(11) At nakita kong nabuksan ang langit at naroon ang isang kabayong puti! At ang nakasakay doon ay tinatawag na Tapat at Totoo; at sa katuwiran siya'y humahatol at nakikipagdigma.
(12) Ang kanyang mga mata ay tulad ng ningas ng apoy, at sa kanyang ulo ay maraming diadema; at siya'y may isang pangalang nakasulat, na walang nakakaalam kundi ang kanyang sarili.
(13) Siya'y nakasuot ng damit na inilubog sa dugo at ang kanyang pangalan ay tinatawag na Ang Salita ng Diyos.
(14) Ang mga hukbo ng langit ay sumusunod sa kanya na mga nakasakay sa mga kabayong puti, at sila'y may damit na pinong lino na maputi at dalisay.
(15) Mula sa kanyang bibig ay lumalabas ang isang tabak na matalas, upang sa pamamagitan nito'y tatagain niya ang mga bansa at sila'y kanyang paghaharian ng tungkod na bakal, at paaagusin niya mula sa pisaan ng ubas ang bagsik ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
(16) At siya'y mayroong isang pangalang nakasulat sa kanyang damit at sa kanyang hita, "Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon."
(17) At nakita kong nakatayo sa araw ang isang anghel, at siya'y sumigaw nang may malakas na tinig, na nagsasabi sa lahat ng mga ibong lumilipad sa gitna ng himpapawid, "Halikayo at magkatipon sa dakilang hapunan ng Diyos,
(18) upang kayo'y makakain ng laman ng mga hari, ng laman ng mga kapitan, ng laman ng mga taong makapangyarihan, ng laman ng mga kabayo at ng mga nakasakay dito, at ng laman ng lahat ng mga taong malaya at mga alipin man, mga hamak at dakila."
(19) At nakita ko ang halimaw at ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo, na nagkakatipon upang makipagdigma laban doon sa nakasakay sa kabayo, at laban sa kanyang hukbo.
(20) At hinuli ang halimaw at kasama niya ang bulaang propeta na gumawa ng mga tanda sa harapan nito, na siyang ipinandaya sa mga tumanggap ng tanda ng halimaw at sa mga sumamba sa larawan nito. Ang dalawang ito ay buhay na inihagis sa lawa ng apoy na nagliliyab sa asupre.
(21) At ang mga iba ay pinatay ng tabak na lumalabas sa bibig noong nakasakay sa kabayo; at ang lahat ng mga ibon ay nabusog sa mga laman nila.