Revelation 2:12-17 ~ Ang sulat sa Iglesya sa Pergamo - Bible Reading

Hot

Revelation 2:12-17 ~ Ang sulat sa Iglesya sa Pergamo


(12) "At sa anghel ng iglesya sa Pergamo ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may matalas na tabak na may dalawang talim.

(13) "Alam ko kung saan ka naninirahan, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas. Ngunit iniingatan mong mabuti ang aking pangalan, at hindi mo ipinagkaila ang pananampalataya mo sa akin, kahit nang mga araw ni Antipas na aking tapat na saksi, na pinatay sa gitna ninyo, kung saan nakatira si Satanas.

(14) Subalit mayroon akong ilang bagay na laban sa iyo: sapagkat mayroon ka diyang ilan na sumusunod sa aral ni Balaam, na siyang nagturo kay Balak na maglagay ng katitisuran sa harapan ng mga anak ni Israel, upang kumain sila ng mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyosan at upang makiapid.

(15) Gayundin naman, mayroon kang ilan na sumusunod sa aral ng mga Nicolaita.

(16) Kaya't magsisi ka. Kung hindi, madali akong darating sa iyo, at didigmain ko sila ng tabak ng aking bibig.

(17) Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong mana, at siya'y bibigyan ko ng isang batong puti, at sa ibabaw ng bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakakaalam kundi ang tumatanggap.