Revelation 17:1-18 ~ Ang Reyna ng Kahalayan at ang Halimaw - Bible Reading

Hot

Revelation 17:1-18 ~ Ang Reyna ng Kahalayan at ang Halimaw


(1) At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok at nagsalita sa akin na nagsasabi, "Halika. Ipapakita ko sa iyo ang hatol sa tanyag na mahalay na babae na nakaupo
sa ibabaw ng maraming tubig;

(2) na sa kanya'y nakiapid ang mga hari sa lupa, at ang mga naninirahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kanyang pakikiapid."

(3) At ako'y kanyang dinalang nasa Espiritu sa isang ilang at nakita ko ang isang babae na nakasakay sa isang halimaw na pula, na puno ng mga pangalan ng kalapastanganan na may pitong ulo at sampung sungay.

(4) Ang babae ay nakadamit ng kulay ube at ng matingkad na pula, nagagayakan ng ginto at ng mahahalagang bato at mga perlas, at hawak sa kanyang kamay ang isang kopang ginto na puno ng mga karumaldumal at mga bagay na marurumi ng kanyang pakikiapid,

(5) at sa kanyang noo ay nakasulat ang isang pangalan, ang isang hiwaga: "dakilang Babilonia, ina ng mga mahalay na babae at ng mga karumaldumal sa lupa."

(6) At nakita ko ang babae na lasing sa dugo ng mga banal, at sa dugo ng mga martir ni Jesus. Nang makita ko siya, ako ay lubhang nanggilalas.

(7) Ngunit sinabi sa akin ng anghel, "Bakit ka nanggilalas? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae, at ng sinasakyan niyang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay.

(8) Ang halimaw na nakita mo ay buhay noon at ngayo'y wala na, at malapit nang umahon mula sa di matarok na kalaliman at patungo sa kapahamakan. At silang mga naninirahan sa lupa, na ang kanilang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula nang itatag ang sanlibutan, ay manggigilalas kapag nakita nila ang halimaw, sapagkat buhay noon ngunit ngayo'y wala na at darating pa.

(9) "Kailangan dito ang pag-iisip na may karunungan: ang pitong ulo ay pitong bundok na kinauupuan ng babae; sila rin ay pitong hari,

(10) ang lima sa kanila ay bumagsak, ang isa'y nananatili pa, ang isa ay hindi pa dumarating at pagdating niya, kailangang magpatuloy siya nang sandaling panahon.

(11) At ang halimaw na buhay noon at ngayo'y wala na, ay siya ring ika-walo ngunit kabilang sa pito at siya'y patungo sa kapahamakan.

(12) At ang sampung sungay na iyong nakita ay sampung hari, na hindi pa tumatanggap ng kaharian; subalit sila'y tatanggap ng kapangyarihan bilang mga hari sa loob ng isang oras, kasama ng halimaw.

(13) Ang mga ito ay may isang pag-iisip at ibinibigay nila ang kanilang kapangyarihan at kapamahalaan sa halimaw.

(14) Makikipagdigma ang mga ito laban sa Kordero at sila'y dadaigin ng Kordero, sapagkat siya'y Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, at ang mga kasama niya ay mga tinawag, mga hinirang at tapat."

(15) At sinabi niya sa akin, "Ang tubig na iyong nakita, na kinauupuan ng mahalay na babae ay mga bayan, napakaraming tao, mga bansa, at mga wika.

(16) At ang sampung sungay na iyong nakita, sila at ang halimaw ay mapopoot sa mahalay na babae;ng siya'y pababayaan at huhubaran nila, lalamunin ang kanyang laman at siya'y lubos na susunugin sa apoy.

(17) Sapagkat inilagay ng Diyos sa kanilang mga puso na gawin ang kanyang layunin at magkaisa ng pagiisip at ibigay ang kanilang paghahari sa halimaw, hanggang sa maganap ang mga salita ng Diyos.

(18) Ang babae na iyong nakita ay ang dakilang lunsod na naghahari sa mga hari sa lupa."