Revelation 2:18-29 ~ Ang sulat sa Iglesya sa Tiatira - Bible Reading

Hot

Revelation 2:18-29 ~ Ang sulat sa Iglesya sa Tiatira


(18) "At sa anghel ng iglesya sa Tiatira ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Anak ng Diyos, na may mga matang gaya ng ningas ng apoy, at ang kanyang mga paa ay gaya ng tansong pinakintab.

(19) "Alam ko ang iyong mga gawa, ang iyong pag-ibig, pananampalataya, paglilingkod at pagtitiis, at ang iyong mga huling gawa ay higit kaysa mga una.

(20) Ngunit ito ang hindi ko gusto laban sa iyo: pinahintulutan mo ang babaing si Jezebel, na tinatawag ang kanyang sarili na propeta at kanyang tinuturuan at nililinlang ang aking mga lingkod upang makiapid at kumain ng mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyosan.

(21) Binigyan ko siya ng panahon upang makapagsisi; ngunit ayaw niyang magsisi sa kanyang pakikiapid.

(22) Akin siyang iniraratay sa higaan at ang mga nakikiapid sa kanya ay ihahagis ko sa malaking kapighatian, maliban na kung sila'y magsisi sa kanyang mga gawa.

(23) Papatayin ko ng salot ang kanyang mga anak. At malalaman ng lahat ng mga iglesya na ako ang sumisiyasat ng mga pag-iisip at ng mga puso, at bibigyan ko ang bawat isa sa inyo ng ayon sa inyong mga gawa.

(24) Subalit sinasabi ko sa inyo, sa mga iba na nasa Tiatira, sa mga hindi nagtataglay ng aral na ito, sa mga hindi natuto ng gaya ng sinasabi ng iba 'na mga malalalim na bagay ni Satanas,' hindi ako naglalagay sa inyo ng ibang pabigat.

(25) Gayunma'y ang nasa inyo'y panghawakan ninyong matibay hanggang sa ako'y dumating.

(26) Sa bawat nagtatagumpay at tumutupad ng aking mga gawa hanggang sa wakas, ay bibigyan ko ng pamamahala sa mga bansa;

(27) at sila'y pangungunahan niya sa pamamagitan ng isang pamalong bakal, gaya ng pagkadurog ng mga palayok,

(28) kung paanong tumanggap din ako ng kapangyarihan mula sa aking Ama; ay ibibigay ko sa kanya ang tala sa umaga.

(29) Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.