Revelation 3:1-6 ~ Ang sulat sa Iglesya sa Sardis - Bible Reading

Hot

Revelation 3:1-6 ~ Ang sulat sa Iglesya sa Sardis


(1) "At sa anghel ng iglesya sa Sardis ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may pitong Espiritu ng Diyos at may pitong bituin: "Alam ko ang iyong mga gawa, sa pangalan ikaw ay nabubuhay, ngunit ikaw ay patay.

(2) Gumising ka, at palakasin mo ang mga bagay na natitira, na malapit nang mamatay, sapagkat hindi ko natagpuang ganap ang iyong mga gawa sa harapan ng aking Diyos.

(3) Kaya't alalahanin mo kung paano mo ito tinanggap at narinig; tuparin mo ito at magsisi ka. Kaya't kung hindi ka gigising, darating akong gaya ng magnanakaw, at hindi mo malalaman kung anong oras ako darating sa iyo.

(4) Ngunit mayroon ka pang ilan sa Sardis na hindi dinungisan ang kanilang mga damit; at sila'y kasama kong lalakad na nakaputi, sapagkat sila'y karapat-dapat.

(5) Ang magtagumpay ay bibihisang gayon ng mapuputing damit; at hindi ko kailanman papawiin ang kanyang pangalan sa aklat ng buhay. At ipahahayag ko ang kanyang pangalan sa harapan ng aking Ama, at sa harapan ng kanyang mga anghel.

(6) Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.