Revelation 19:1-10 ~ Mapapalad ang mga inanyayahan sa hapunan ng kasalan ng Kordero. - Bible Reading

Hot

Revelation 19:1-10 ~ Mapapalad ang mga inanyayahan sa hapunan ng kasalan ng Kordero.


(1) Pagkatapos ng mga bagay na ito ay narinig ko ang gaya ng isang malakas na tinig ng napakaraming tao sa langit, na nagsasabi, "Aleluia! Ang kaligtasan, at kaluwalhatian,
at kapangyarihan ay nauukol sa ating Diyos.

(2) Sapagkat tunay at matuwid ang kanyang mga paghatol; hinatulan niya ang tanyag na mahalay na babae na nagpasama sa daigdig sa pamamagitan ng kanyang pakikiapid, at ipinaghiganti ng Diyos ang dugo ng kanyang mga alipin laban sa babae."

(3) At sa ikalawang pagkakataon ay kanilang sinabi, "Aleluia! At ang usok ng babae ay pumailanglang magpakailanpaman."

(4) At nagpatirapa ang dalawampu't apat na matatanda at ang apat na nilalang na buhay, at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono, na nagsasabi, "Amen. Aleluia!"

(5) At lumabas ang isang tinig sa trono, na nagsasabi, "Purihin ninyo ang ating Diyos, kayong lahat na mga alipin niya, at kayong natatakot sa kanya, mga hamak at dakila."

(6) Narinig ko ang gaya ng isang tinig ng napakaraming tao, gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng dagundong ng malalakas na kulog na nagsasabi, "Aleluia! sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat.

(7) Tayo'y magalak at tayo'y magpakasaya at ibigay natin sa kanya ang kaluwalhatian, sapagkat dumating na ang kasal ng Kordero, at inihanda na ng kanyang magiging asawa ang kanyang sarili.

(8) At sa kanya'y ipinagkaloob na magsuot ng pinong lino, makintab at malinis;" sapagkat ang pinong lino ay ang matutuwid na gawa ng mga banal.

(9) At sinabi ng anghel sa akin, "Isulat mo: Mapapalad ang mga inanyayahan sa hapunan ng kasalan ng Kordero." At sinabi niya sa akin, "Ito ang mga tunay na salita ng Diyos."

(10) At ako'y nagpatirapa sa kanyang paanan upang siya'y aking sambahin, ngunit sinabi niya sa akin, "Huwag mong gawin iyan! Ako'y kapwa mo alipin na kasama mo at ng iyong mga kapatid na mayroong patotoo ni Jesus. Sa Diyos ka sumamba. Sapagkat ang patotoo ni Jesus ang espiritu ng propesiya."