Revelation 1:9-20 ~ Ang pangitain ni Juan tungkol kay Jesu-Cristo - Bible Reading

Hot

Revelation 1:9-20 ~ Ang pangitain ni Juan tungkol kay Jesu-Cristo


(9) Akong si Juan, na inyong kapatid at inyong karamay sa kapighatian at sa kaharian at sa pagtitiis alang-alang kay Jesus ay nasa pulo na tinatawag na Patmos, dahil sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesus.

(10) Ako'y nasa Espiritu nang araw ng Panginoon, at narinig ko sa aking likuran ang malakas na tinig na tulad sa isang trumpeta,

(11) na nagsasabi, "Ang iyong nakikita ay isulat mo sa isang aklat at iyong ipadala sa pitong iglesya, sa Efeso, sa Smirna, sa Pergamo, sa Tiatira, sa Sardis, sa Filadelfia, at sa Laodicea."

(12) Ako'y lumingon upang makita kung kanino ang tinig na nagsasalita sa akin. At sa aking paglingon, nakita ko ang pitong gintong ilawan,

(13) at sa gitna ng mga ilawan ay may isang katulad ng isang Anak ng Tao, na may suot na damit na hanggang sa paa, at may gintong bigkis sa kanyang dibdib.

(14) At ang kanyang ulo at ang kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibo ng tupa, gaya ng niebe; at ang kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy;

(15) at ang kanyang mga paa ay katulad ng tansong pinakintab, na parang dinalisay sa isang pugon; at ang kanyang tinig ay gaya ng ingay ng maraming tubig.

(16) Sa kanyang kanang kamay ay may pitong bituin at mula sa kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim, at ang kanyang mukha ay gaya ng araw na matinding sumisikat.

(17) Nang siya'y aking makita, ako'y parang patay na bumagsak sa kanyang paanan. Ngunit ipinatong niya sa akin ang kanyang kanang kamay, na sinasabi, "Huwag kang matakot; ako ang una at ang huli,

(18) at ang nabubuhay. Ako'y namatay, at tingnan mo, ako'y nabubuhay magpakailanpaman, at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng Hades.


(19) Kaya't isulat mo ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at ang mga bagay na mangyayari pagkatapos ng mga bagay na ito.


(20) Ang hiwaga ng pitong bituin na iyong nakita sa aking kanang kamay, at ang pitong gintong ilawan; ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesya; at ang pitong ilawan ay ang pitong iglesya.