Revelation 20:1-10 ~ Mapalad at banal ang may bahagi sa unang pagkabuhay na muli - Bible Reading

Hot

Revelation 20:1-10 ~ Mapalad at banal ang may bahagi sa unang pagkabuhay na muli


(1) At nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit, na hawak sa kanyang kamay ang susi ng di matarok na kalaliman at ang isang malaking tanikala.

(2) At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at ginapos siya ng isang libong taon,

(3) at siya'y itinapon sa di matarok na kalaliman at sinarhan at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang hindi na niya madaya ang mga bansa, hanggang sa matapos ang isang libong taon. Pagkatapos nito, kailangang siya'y pawalan ng maikling panahon.

(4) Nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo sa mga iyon ay pinagkalooban ng kapangyarihang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo kay Jesus, at dahil sa salita ng Diyos, at ang mga hindi sumamba sa halimaw, o sa kanyang larawan man, at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay. Sila'y nabuhay at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon.

(5) Ang mga iba sa mga patay ay hindi nabuhay hanggang sa natapos ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na muli.

(6) Mapalad at banal ang may bahagi sa unang pagkabuhay na muli! Sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan, kundi sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.

(7) At kung matapos na ang isang libong taon, si Satanas ay pakakawalan sa kanyang bilangguan,

(8) at lalabas upang dayain ang mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila para sa pakikipagdigma; ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat.

(9) Umakyat sila sa malawak na lupa at pinaligiran ang kampo ng mga banal, at ang lunsod na minamahal; ngunit bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y natupok.

(10) At ang diyablo na dumaya sa kanila ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng halimaw at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailanpaman.