Revelation 10:1-11 ~ Ang makapangyarihang angel at ang maliit na aklat - Bible Reading

Hot

Revelation 10:1-11 ~ Ang makapangyarihang angel at ang maliit na aklat



(1) At nakita ko ang isa pang makapangyarihang anghel na nanaog mula sa langit, na nababalot ng isang ulap, at may bahaghari sa kanyang ulo, at ang kanyang mukha ay gaya ng araw, at ang kanyang mga paa ay gaya ng mga haliging apoy.

(2) May isang maliit na balumbon na bukas sa kanyang kamay at kanyang itinuntong ang kanyang kanang paa sa dagat, at ang kaliwang paa sa lupa.

(3) Siya ay sumigaw ng may malakas na tinig, na gaya ng leon na umuungal; at pagkasigaw niya, ang pitong kulog ay umugong.

(4) Nang tumunog ang pitong kulog, susulat sana ako, ngunit narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, "Tatakan mo ang mga bagay na sinabi ng pitong kulog, at huwag mong isulat ang mga ito."

(5) At itinaas ng anghel na aking nakita na nakatayo sa dagat at sa lupa ang kanyang kanang kamay sa langit,

(6) at nanumpa sa nabubuhay magpakailanpaman, na siyang lumalang ng langit at ng mga bagay na naroroon, at ng lupa at ng mga bagay na naririto, at ng dagat at ng mga bagay na naririto: "Hindi na maaantala pa,

(7) ngunit sa mga araw na hipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, magaganap ang hiwaga ng Diyos, ayon sa kanyang ipinahayag sa kanyang mga lingkod na propeta."

(8) At ang tinig na aking narinig mula sa langit ay muling nagsalita sa akin, na nagsasabi, "Humayo ka, kunin mo ang aklat na bukas na nasa kamay ng anghel na nakatayo sa dagat at sa lupa."

(9) Kaya't ako'y lumapit sa anghel at sinabi ko sa kanya na ibigay sa akin ang maliit na aklat. At kanyang sinabi sa akin, "Kunin mo ito at ito'y kainin mo; ito ay magiging mapait sa iyong tiyan, ngunit sa iyong bibig ay magiging matamis na gaya ng pulot."

(10) Kinuha ko ang maliit na aklat sa kamay ng anghel, at aking kinain; at sa aking bibig ay matamis na gaya ng pulot, ngunit nang aking makain ay pumait ang aking tiyan.

(11) At sinabi nila sa akin, "Kailangang muli kang magpahayag ng propesiya tungkol sa maraming mga bayan at mga bansa, mga wika at mga hari."