(1) Pagkatapos ay binigyan ako ng isang tambong panukat na tulad ng isang tungkod, at sinabi sa akin, "Tumayo ka at sukatin mo ang templo ng Diyos, ang dambana, at ang mga sumasamba roon.
(2) Ngunit huwag mong susukatin ang patyo sa labas ng templo; pabayaan mo na iyon, sapagkat ibinigay iyon sa mga bansa at kanilang yuyurakan ang banal na lunsod sa loob ng apatnapu't dalawang buwan.
(3) Papahintulutan ko ang aking dalawang saksi na magpahayag ng propesiya sa loob ng 1,260 araw, na nakasuot ng damit sako."
(4) Ang mga ito'y ang dalawang punong olibo at ang dalawang ilawan na nakatayo sa harapan ng Panginoon ng lupa.
(5) At kung naisin ng sinuman na sila'y pinsalain, apoy ang lumalabas sa kanilang bibig at nilalamon ang kanilang mga kaaway; at kung naisin ng sinuman na sila'y pinsalain, siya'y kailangang patayin sa ganitong paraan.
(6) Ang mga ito'y may kapangyarihang magsara ng langit upang huwag umulan sa loob ng mga araw ng kanilang pagpapahayag ng propesiya at may kapangyarihan sila sa mga tubig na gawing dugo, at pahirapan ang lupa ng bawat salot sa tuwing kanilang naisin.
(7) At kapag natapos na nila ang kanilang patotoo, ang hayop na umahon mula sa di matarok na kalaliman ay makikipagdigma sa kanila, lulupigin sila, at papatayin.
(8) At ang kanilang mga bangkay ay hahandusay sa lansangan ng malaking lunsod, na sa espirituwal na pananalita ay tinatawag na Sodoma at Ehipto, na kung saan ipinako sa krus ang kanilang Panginoon.
(9) Pagmamasdan ng mga tao mula sa mga bayan at mga angkan at mga wika at mga bansa ang kanilang mga bangkay sa loob ng tatlong araw at kalahati, at hindi ipahihintulot na ang kanilang mga bangkay ay mailibing.
(10) At ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa ay magagalak tungkol sa kanila at magkakatuwa, at sila'y magpapalitan ng mga handog, sapagkat ang dalawang propetang ito ay nagpahirap sa mga naninirahan sa ibabaw ng lupa.
(11) Ngunit pagkatapos ng tatlong araw at kalahati, ang hininga ng buhay na mula sa Diyos ay pumasok sa kanila. Sila'y tumindig at dinatnan ng malaking takot ang mga nakakita sa kanila.
(12) At narinig nila ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi sa kanila, "Umakyat kayo rito!" At sila'y umakyat sa langit sa isang ulap at nakita sila ng kanilang mga kaaway.
(13) At nang oras na iyon ay nagkaroon ng isang malakas na lindol, at nagiba ang ikasampung bahagi ng lunsod; may namatay sa lindol na pitong libong katao at ang mga iba ay natakot, at nagbigay ng luwalhati sa Diyos ng langit.
(14) Nakaraan na ang ikalawang kapighatian. Ang ikatlong kapighatian ay napakalapit ng dumating.