(1) Si Judas, na alipin ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago, sa mga tinawag, na minamahal ng Diyos Ama, at iniingatan para kay Jesu-Cristo:
(2) Ang kaawaan, kapayapaan at pag-ibig ay pasaganain nawa sa inyo.
(3) Mga minamahal, samantalang ako'y lubusang nagsisikap na sumulat sa inyo tungkol sa ating iisang kaligtasan, natagpuan kong kailangang sumulat upang himukin kayo na ipaglaban ang pananampalataya na minsanang ibinigay sa mga banal.
(4) Sapagkat may ilang taong nakapasok nang lihim, ang mga iyon ay matagal nang itinalaga sa kahatulang ito, mga hindi maka-Diyos, na kanilang pinalitan ng kahalayan ang biyaya ng ating Diyos, at itinatatuwa ang kaisa-isa nating Pinuno at Panginoon na si Jesu-Cristo.
(5) Ngayon ay nais kong ipaalala sa inyo, bagama't alam na alam ninyo ang mga bagay na ito, na minsang iniligtas ng Panginoon ang isang bayan mula sa lupain ng Ehipto, pagkatapos ay nilipol niya ang mga hindi sumampalataya.
(6) At ang mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang sariling katungkulan, kundi iniwan ang kanilang sariling tirahan, ay iginapos niya sa mga tanikalang walang hanggan sa pinakamalalim na kadiliman hanggang sa paghuhukom sa dakilang araw.
(7) Gayundin ang Sodoma at Gomorra, at ang mga lunsod sa palibot ng mga ito, na gumawa naman ng pakikiapid at nalulong sa kakaibang laman, ay inilagay bilang halimbawa, na nagdaranas ng kaparusahan sa apoy na walang hanggan.
(8) Gayunma'y ang mga ito rin na mahilig managinip ay dinudumihan ang laman, at hinahamak ang mga may kapangyarihan at nilalait ang mga maluwalhating mga anghel.
(9) Subalit si Miguel na arkanghel nang makipaglaban sa diyablo, at nakipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, ay hindi nangahas gumamit ng isang hatol na may pag-alipusta laban sa kanya, kundi sinabi, "Sawayin ka nawa ng Panginoon."
(10) Subalit inaalipusta ng mga ito ang anumang bagay na hindi nila nauunawaan, at sa pamamagitan ng mga bagay na likas nilang nalalaman, kagaya ng mga hayop na walang pag-iisip, sila'y winawasak.
(11) Kahabag-habag sila! Sapagkat sila'y lumakad sa daan ni Cain, at sumunggab sa kamalian ni Balaam dahil sa upa, at napahamak sa paghihimagsik ni Kora.
(12) Ang mga taong ito'y pawang mga batong natatago sa inyong mga pagsasalu-salong may pag-ibig kapag sila'y nakikipagsalo sa inyo nang walang takot, na ang pinapangalagaan lamang ay ang kanilang sarili. Sila'y mga ulap na walang tubig, na tinatangay ng mga hangin; mga punungkahoy na walang bunga sa pagtatapos ng taglagas, na dalawang ulit na namatay, na binunot hanggang ugat;
(13) nagngangalit na alon sa dagat, na pinabubula ang kanilang sariling kahihiyan; mga pagala-galang bituin, na silang pinaglaanan ng pusikit na kadiliman magpakailanman.
(14) At sa mga ito rin naman si Enoc, na ikapitong salinlahi mula kay Adan, ay nagpahayag na sinasabi, "Narito, dumating ang Panginoon na kasama ang kanyang laksa-laksang mga banal,
(15) upang igawad ang hatol sa lahat at upang sumbatan ang bawat kaluluwa sa lahat ng kanilang masamang gawa na kanilang ginawang may kalikuan, at sa lahat ng mga bagay na malupit na sinalita sa kanya ng mga hindi maka-Diyos na makasalanan."
(16) Ang mga iyon ay mga mapagbulong, mga mareklamo, na lumalakad ayon sa kanilang mga sariling pagnanasa at ang kanilang bibig ay nagsasalita ng mga pagmamataas, na pakunwaring pumupuri sa mga tao para sa sariling kapakinabangan.
Home
Complaining
Faithfulness
False Teaching
Pride/Proud
Selfishness
Sodom and Gomorrah
Jude 1:1-16 ~ Ang kahabag-habag at kasamaang sasapitin ng mga makasalanan
Jude 1:1-16 ~ Ang kahabag-habag at kasamaang sasapitin ng mga makasalanan
Tags
# Complaining
# Faithfulness
# False Teaching
# Pride/Proud
# Selfishness
# Sodom and Gomorrah
Sodom and Gomorrah