Revelation 3:14-22 ~ Ang sulat sa Iglesya sa Laodicea - Bible Reading

Hot

Revelation 3:14-22 ~ Ang sulat sa Iglesya sa Laodicea


(14) "At sa anghel ng iglesya sa Laodicea ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Amen, ng saksing tapat at totoo, nang pasimula ng paglalang ng Diyos:

(15) "Alam ko ang iyong mga gawa; ikaw ay hindi malamig o mainit man. Ibig ko sanang ikaw ay malamig o mainit.

(16) Kaya, dahil ikaw ay malahininga, at hindi mainit o malamig man, ay isusuka kita mula sa aking bibig.

(17) Sapagkat sinasabi mo, 'Ako'y mayaman, at naging mariwasa at hindi ako nangangailangan ng anuman.' Hindi mo nalalamang ikaw ay aba, kahabag-habag, maralita, bulag at hubad.

(18) Ipinapayo ko sa iyo na bumili ka sa akin ng gintong dinalisay ng apoy upang ikaw ay yumaman, at ng mapuputing damit upang iyong maisuot, at upang huwag mahayag ang iyong kahiyahiyang kahubaran, at ng pampahid na ilalagay sa iyong mga mata, upang ikaw ay makakita.

(19) Ang lahat na aking iniibig ay aking sinasaway at dinidisiplina. Ikaw nga'y magsikap, at magsisi.

(20) Makinig ka! Ako'y nakatayo sa may pintuan at tumutuktok; kung diringgin ng sinuman ang aking tinig at buksan ang pinto, ako'y papasok sa kanya, at kakaing kasalo niya, at siya'y kasalo ko.

(21) Ang magtagumpay ay pagkakalooban ko na umupong kasama ko sa aking trono, gaya ko naman na nagtagumpay at umupong kasama ng aking Ama sa kanyang trono.

(22) Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya."