(1) At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa templo, na nagsasabi sa pitong anghel, "Humayo kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang pitong mangkok ng poot ng Diyos."
(2) Kaya't humayo ang una at ibinuhos ang kanyang mangkok sa lupa; at nagkaroon ng nakakapandiri at masamang sugat ang mga taong may tanda ng halimaw, at ang mga sumamba sa larawan nito.
(3) Ibinuhos naman ng ikalawa ang kanyang mangkok sa dagat at ito'y naging parang dugo ng isang taong patay; at bawat may buhay na nasa dagat ay namatay.
(4) Ibinuhos ng ikatlo ang kanyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig; at naging dugo ang mga ito.
(5) At narinig ko ang anghel ng tubig na nagsasabi, "Matuwid ka, ikaw na siyang ngayon at ang nakaraan, O Banal, sapagkat hinatulan mo ang mga bagay na ito,
(6) sapagkat pinadanak nila ang dugo ng mga banal at ng mga propeta, at pinainom mo sila ng dugo. Ito'y karapat-dapat sa kanila!"
(7) At narinig ko ang dambana na nagsasabi, "Opo, Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, tunay at matuwid ang iyong mga hatol!"
(8) At ibinuhos ng ikaapat ang kanyang mangkok sa araw at pinahintulutan itong pasuin ng apoy ang mga tao.
(9) At napaso ang mga tao sa matinding init, ngunit kanilang nilait ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihan sa mga salot na ito; at hindi sila nagsisi upang siya'y luwalhatiin.
(10) Ibinuhos naman ng ikalima ang kanyang mangkok sa trono ng halimaw, at nagdilim ang kanyang kaharian. Kinagat ng mga tao ang kanilang mga dila dahil sa hirap,
(11) at nilait nila ang Diyos ng langit dahil sa kanilang mga hirap at sa kanilang mga sugat; at hindi sila nagsisi sa kanilang mga gawa.
(12) Ibinuhos ng ikaanim ang kanyang mangkok sa malaking ilog na Eufrates at natuyo ang tubig nito, upang ihanda ang daraanan ng mga haring mula sa sikatan ng araw.
(13) At nakita kong lumabas sa bibig ng dragon at mula sa bibig ng halimaw at mula sa bibig ng bulaang propeta ang tatlong espiritung karumaldumal, na gaya ng mga palaka.
(14) Sila'y mga espiritu ng mga demonyo na gumagawa ng mga tanda; pumupunta sa mga hari ng buong daigdig, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
(15) ("Masdan ninyo, ako'y dumarating na gaya ng magnanakaw. Mapalad ang nananatiling gising at nakadamit, upang siya'y hindi lumakad na hubad at makita ang kanyang kahihiyan.")
(16) At sila'y tinipon nila sa lugar na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon.