(1) At nakita ko ang isa pang tanda sa langit, dakila at kamanghamangha: pitong anghel na may pitong salot, na siyang mga panghuli, sapagkat sa mga ito'y matatapos ang poot ng Diyos.
(2) At nakita ko ang tulad sa isang dagat na kristal na may halong apoy, at ang mga dumaig sa halimaw at sa larawan nito, at sa bilang ng pangalan nito na nakatayo sa tabi ng dagat na kristal at may hawak na mga alpa ng Diyos.
(3) At inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Diyos, at ang awit ng Kordero na sinasabi, "Dakila at kamanghamangha ang iyong mga gawa, O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat! Matuwid at tunay ang iyong mga daan, ikaw na Hari ng mga bansa.
(4) Sinong hindi matatakot at luluwalhati sa iyong pangalan O Panginoon, sapagkat ikaw lamang ang banal. Ang lahat ng mga bansa ay darating at sasamba sa harapan mo; sapagkat ang iyong mga matuwid na gawa ay nahayag."
(5) Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at ang templo ng tolda ng patotoo sa langit ay nabuksan.
(6) At mula sa templo ay lumabas ang pitong anghel na may pitong salot, na nakadamit ng dalisay at makintab na lino, at nabibigkisan ng gintong pamigkis ang kanilang mga dibdib.
(7) At isa sa apat na nilalang na buhay ay nagbigay sa pitong anghel ng pitong mangkok na ginto na puno ng poot ng Diyos, na siyang nabubuhay magpakailanman.
(8) At napuno ng usok ang templo mula sa kaluwalhatian ng Diyos at mula sa kanyang kapangyarihan; at walang sinumang nakapasok sa templo hanggang sa matapos ang pitong salot ng pitong anghel.