(1) At nakita ko ang isang halimaw na umaahon sa dagat, may sampung sungay at pitong ulo, at sa kanyang mga sungay ay may sampung diadema, at sa kanyang mga ulo ay mga pangalan ng kalapastanganan.
(2) At ang halimaw na aking nakita ay katulad ng isang leopardo at ang kanyang mga paa ay gaya ng sa oso, at ang kanyang bibig ay gaya ng bibig ng leon. At ibinigay rito ng dragon ang kanyang kapangyarihan, ang kanyang trono, at dakilang kapamahalaan.
(3) Ang isa sa mga ulo nito ay parang pinatay, ngunit ang sugat nito na ikamamatay ay gumaling, at ang buong lupa ay namamanghang sumunod sa halimaw.
(4) Ang mga tao'y sumamba sa dragon sapagkat ibinigay niya ang kanyang kapangyarihan sa halimaw; at sinamba nila ang halimaw, na sinasabi, "Sino ang katulad ng halimaw at sinong makakalaban dito?"
(5) Ang halimaw ay binigyan ng isang bibig na nagsasalita ng mga palalong bagay at ng mga kalapastanganan, at pinahintulutan siyang gumamit ng kapangyarihan sa loob ng apatnapu't dalawang buwan.
(6) Ibinuka niya ang kanyang bibig upang magsalita ng mga kalapastanganan sa Diyos, upang lapastanganin ang kanyang pangalan at ang kanyang tahanan gayundin ang mga naninirahan sa langit.
(7) Ipinahintulot din sa kanya na makipagdigma sa mga banal at sila'y lupigin. Binigyan siya ng kapangyarihan sa bawat angkan, bayan, wika at bansa,
(8) at ang lahat ng naninirahan sa lupa ay sasamba sa kanya, ang lahat na ang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero na pinaslang buhat nang itatag ang sanlibutan.
(9) Kung ang sinuman ay may pandinig ay makinig:
(10) Kung ang sinuman ay patungo sa pagkabihag, sa pagkabihag siya patutungo. Kung ang sinuman ay pumapatay sa pamamagitan ng tabak, sa pamamagitan ng tabak siya dapat papatayin. Ito ay panawagan para sa pagtitiis at pananampalataya ng mga banal.