(7) At nagkaroon ng digmaan sa langit, si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma sa dragon. Ang dragon at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma,
(8) ngunit hindi sila nagwagi, ni wala ng lugar para sa kanila sa langit.
(9) At itinapon ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, ang mandaraya sa buong sanlibutan; siya'y itinapon sa lupa at ang kanyang mga anghel ay itinapong kasama niya.
(10) At narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit na nagsasabi, "Ngayo'y dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan, at ang kaharian ng ating Diyos, at ang kapangyarihan ng kanyang Cristo, sapagkat itinapon na ang tagapagparatang sa ating mga kapatid na siyang nagpaparatang sa kanila sa harapan ng ating Diyos, araw at gabi.
(11) At siya'y kanilang dinaig dahil sa dugo ng Kordero, at dahil sa salita ng kanilang patotoo, sapagkat hindi nila inibig ang kanilang buhay maging hanggang sa kamatayan.
(12) Kaya't magalak kayo, O mga langit at kayong mga naninirahan diyan! Kahabag-habag ang lupa at dagat sapagkat ang diyablo'y bumaba sa inyo na may malaking poot, palibhasa'y alam niya na maikli na lamang ang kanyang panahon!"
(13) Nang makita ng dragon na siya'y itinapon sa lupa, inusig niya ang babaing nanganak ng sanggol na lalaki.
(14) Ngunit ang babae'y binigyan ng dalawang pakpak ng malaking agila upang makalipad siya mula sa harap ng ahas patungo sa ilang hanggang sa kanyang lugar, na pinaalagaan sa kanya ng isang panahon, at mga panahon, at kalahati ng isang panahon.
(15) At ang ahas ay nagbuga mula sa kanyang bibig ng tubig sa babae na gaya ng isang ilog upang tangayin siya ng agos.
(16) Ngunit ang babae ay tinulungan ng lupa at ibinuka nito ang kanyang bibig at nilamon ang ilog na ibinuga ng dragon mula sa kanyang bibig.
(17) Nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang digmain ang nalabi sa binhi ng babae, ang mga tumutupad sa mga utos ng Diyos at ang mga may patotoo ni Jesus. [18 At tumayo ang dragon sa buhanginan ng dagat.]