(1) At hinipan ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta at nakita ko ang isang bituin na nahulog sa lupa mula sa langit at sa kanya'y ibinigay ang susi ng hukay ng di matarok na kalaliman.
(2) Binuksan niya ang hukay ng di matarok na kalaliman at umakyat ang usok mula sa hukay, na gaya ng usok ng isang malaking hurno at nagdilim ang araw at ang himpapawid dahil sa usok ng hukay.
(3) At naglabasan mula sa usok ang mga balang sa lupa at binigyan sila ng kapangyarihan, na gaya ng kapangyarihan ng mga alakdan sa lupa.
(4) At sinabi sa kanila na huwag pinsalain ang damo sa lupa, ni ang anumang luntian, ni ang anumang punung-kahoy, kundi ang mga tao lamang na walang tatak ng Diyos sa kanilang mga noo.
(5) Pinahintulutan silang huwag patayin ang mga ito, kundi pahirapan ng limang buwan at ang kanilang pahirap ay gaya ng pahirap ng alakdan kung kumakagat sa isang tao.
(6) At sa mga araw na iyon ay hahanapin ng mga tao ang kamatayan at sa anumang paraa'y hindi nila matatagpuan; at magnanasang mamatay at ang kamatayan ay tatakas sa kanila.
(7) Ang anyo ng mga balang ay katulad ng mga kabayong inihanda para sa digmaan, at sa kanilang mga ulo ay mayroong gaya ng mga koronang ginto, at ang kanilang mga mukha ay gaya ng mga mukha ng mga tao.
(8) Sila'y may buhok na gaya ng buhok ng mga babae, at ang kanilang mga ngipin ay gaya ng sa mga leon.
(9) At sila'y may mga baluti, na gaya ng baluting bakal; at ang tunog ng kanilang mga pakpak ay gaya ng tunog ng mga karwahe at ng maraming kabayo na rumaragasa sa labanan.
(10) Sila'y may mga buntot na gaya ng sa mga alakdan at may mga pantusok; at sa kanilang mga buntot ay naroroon ang kanilang kapangyarihan upang pinsalain ang mga tao ng limang buwan.
(11) Sila'y may isang hari, ang anghel ng di matarok na kalaliman; ang kanyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abadon, at sa Griyego ay tinatawag siyang Apolyon.