(9) Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at naroon, ang napakaraming tao na di mabilang ng sinuman, mula sa bawat bansa, sa lahat ng mga lipi, mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harapan ng trono at sa harapan ng Kordero,
na nakasuot ng mapuputing damit, at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay;
(10) at nagsisigawan ng may malakas na tinig, na nagsasabi, "Ang pagliligtas ay sa aming Diyos na nakaupo sa trono, at sa Kordero!"
(11) At ang lahat ng mga anghel ay tumayo sa palibot ng trono, at ng matatanda at ng apat na nilalang na buhay at sila'y nagpatirapa sa harapan ng trono at sumamba sa Diyos,
(12) na nagsasabi, "Amen! Ang pagpapala, kaluwalhatian, karunungan, pagpapasalamat, karangalan, kapangyarihan, at kalakasan, ay sa aming Diyos magpakailanpaman. Amen."
(13) At sumagot ang isa sa matatanda na nagsasabi sa akin, "Ang mga ito na may suot ng mapuputing damit, sino ba sila at saan sila nanggaling?"
(14) Sinabi ko sa kanya, "Ginoo, ikaw ang nakakaalam." At sinabi niya sa akin, "Ang mga ito ang nanggaling sa malaking kapighatian, at naghugas ng kanilang mga damit at pinaputi ang mga ito sa dugo ng Kordero.
(15) Kaya't sila'y nasa harapan ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya araw at gabi sa kanyang templo; at siyang nakaupo sa trono ay kakanlungan sila.
(16) Sila'y hindi na magugutom pa, ni mauuhaw man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anumang nakakapasong init,
(17) sapagkat ang Kordero na nasa gitna ng trono ay siyang magiging pastol nila, at sila'y papatnubayan patungo sa mga bukal ng tubig ng buhay; at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata."