(1) Pagkatapos ay nakita ko nang buksan ng Kordero ang isa sa pitong tatak, at narinig ko ang isa sa apat na nilalang na buhay, na nagsalitang gaya ng tunog ng kulog, "Halika!"
(2) Tumingin ako at nakita ko ang isang kabayong puti, at ang nakasakay doon ay may isang pana; binigyan siya ng isang korona at siya'y humayong lumulupig, at upang lumupig.
(3) Nang buksan niya ang ikalawang tatak ay narinig ko ang ikalawang nilalang na buhay, na nagsasabi, "Halika!"
(4) At may lumabas na isa pang pulang kabayo at ang nakasakay doon ay pinagkaloobang alisin sa lupa ang kapayapaan upang magpatayan ang isa't isa; at binigyan siya ng isang malaking tabak.
(5) Nang buksan niya ang ikatlong tatak, narinig ko ang ikatlong nilalang na buhay, na nagsasabi, "Halika!" At nakita ko, ang isang kabayong itim; at ang nakasakay rito ay may isang timbangan sa kanyang kamay.
(6) At narinig ko ang gaya ng isang tinig sa gitna ng apat na nilalang na buhay na nagsasabi, "Isang takal na trigo para sa isang denario at sa isang denario ay tatlong takal na sebada; ngunit huwag mong pinsalain ang langis at ang alak!"
(7) Nang buksan niya ang ikaapat na tatak ay narinig ko ang tinig ng ikaapat na nilalang na buhay na nagsasabi, "Halika!"
(8) Tumingin ako at naroon ang isang kabayong maputla, at ang nakasakay roon ay may pangalang Kamatayan at ang Hades ay sumusunod sa kanya. At sila'y pinagkalooban ng kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng lupa na pumatay sa pamamagitan ng tabak, at ng taggutom, ng salot, at ng mababangis na hayop sa lupa.
(9) Nang buksan niya ang ikalimang tatak ay nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinaslang dahil sa salita ng Diyos, at dahil sa patotoong taglay nila.
(10) Sila'y sumigaw nang may malakas na tinig, "Kailan pa, O Makapangyarihang Panginoon, banal at totoo, bago mo hatulan at ipaghiganti ang aming dugo sa mga naninirahan sa ibabaw ng lupa?"
(11) At binigyan ang bawat isa sa kanila ng isang puting balabal at sa kanila'y sinabi na magpahinga pa sila ng kaunting panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapwa alipin at ng kanilang mga kapatid, na mga papataying tulad nila.
(12) Nang buksan niya ang ikaanim na tatak, nagkaroon ng malakas na lindol; at ang araw ay umitim na gaya ng damit sako at ang bilog na buwan ay naging gaya ng dugo;
(13) at ang mga bituin sa langit ay nahulog sa lupa, gaya ng puno ng igos na nalalaglag ang kanyang mga bungang bubot kapag inuuga ng malakas na hangin.
(14) Ang langit ay nahawi na gaya ng isang balumbong nilululon, at ang bawat bundok at pulo ay naalis sa kanilang kinalalagyan.
(15) Ang mga hari sa lupa, ang mga prinsipe, ang mga pinuno ng hukbo, ang mayayaman, ang malalakas at ang bawat alipin at ang bawat malaya, ay nagtago sa mga yungib, sa mga bato at sa mga bundok;
(16) at sinasabi nila sa mga bundok at sa mga bato, "Mahulog kayo sa amin at itago ninyo kami mula sa mukha ng nakaupo sa trono, at mula sa poot ng Kordero;
(17) sapagkat dumating na ang dakilang araw ng kanilang pagkapoot, at sino ang makakatagal?"