Revelation 21:9-27 ~ Pagsasalarawan sa bagong lungsod ng Jerusalem - Bible Reading

Hot

Revelation 21:9-27 ~ Pagsasalarawan sa bagong lungsod ng Jerusalem


(9) At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok na puno ng pitong huling salot, at nagsalita sa akin na nagsasabi, "Halika, ipapakita ko sa iyo ang babaing ikakasal, ang asawa ng Kordero."

(10) At dinala niya akong nasa Espiritu sa isang malaki at mataas na bundok, at ipinakita sa akin ang banal na lunsod ng Jerusalem, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos,

(11) na may kaluwalhatian ng Diyos, ang kanyang ningning ay katulad ng isang totoong mahalagang bato, na gaya ng batong jaspe, na malinaw na gayangkristal.

(12) Ito ay mayroong isang malaki at mataas na pader, na may labindalawang pintuan, at sa mga pintuan ay may labindalawang anghel; at sa mga pintuan ay nakasulat ang mga pangalan ng labindalawang lipi ng mga anak ni Israel.

(13) Sa silangan ay tatlong pintuan, sa hilaga ay tatlong pintuan, sa timog ay tatlong pintuan, at sa kanluran ay tatlong pintuan.

(14) At ang pader ng lunsod ay may labindalawang saligan, at sa mga ito'y ang labindalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.

(15) At ang nakipag-usap sa akin ay may gintong panukat upang sukatin ang lunsod at ang mga pintuan at ang pader nito.

(16) At ang pagkatayo ng lunsod ay parisukat, at ang kanyang haba ay gaya ng kanyang luwang, at sinukat niya ang lunsod ng kanyang panukat, labindalawang libong estadia. Ang haba, luwang at ang taas nito ay magkakasukat.

(17) Sinukat din niya ang pader nito, isandaan at apatnapu't apat na siko ang taas, ayon sa sukat ng tao, na siyang ginagamit ng anghel.

(18) Ang malaking bahagi ng pader ay jaspe at ang lunsod ay dalisay na ginto, na tulad ng kristal.

(19) Ang mga saligan ng pader ng lunsod ay ginagayakan ng sari-saring mahahalagang bato. Ang unang saligan ay jaspe, ang ikalawa ay safiro, ang ikatlo ay calcedonia, ang ikaapat ay esmeralda,

(20) ang ikalima ay onix, ang ikaanim ay sardio, ang ikapito ay crisolito, ang ikawalo ay berilo, ang ikasiyam ay topacio, ang ikasampu ay crisopasio, ang ikalabing-isa ay jacinto, ang ika-labindalawa ay ametista.

(21) At ang labindalawang pintuan ay labindalawang perlas, at bawat pinto ay yari sa isang perlas, at ang lansangan ng lunsod ay dalisay na ginto, na gaya ng naaaninag na salamin.

(22) At hindi ako nakakita ng templo roon, sapagkat ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero ang siyang templo roon.

(23) At ang lunsod ay hindi nangangailangan ng araw, o ng buwan man, upang magbigay liwanag sa kanya, sapagkat ang liwanag niya ay ang kaluwalhatian ng Diyos, at ang ilaw doon ay ang Kordero.

(24) Ang mga bansa ay lalakad sa pamamagitan ng liwanag nito; at ang mga hari sa lupa ay magdadala ng kanilang karangalan sa kanya.

(25) At ang mga pintuan niyon ay hindi isasara kailanman sa araw; sapagkat hindi magkakaroon doon ng gabi.

(26) Dadalhin nila sa loob niyon ang karangalan at kapurihan ng mga bansa;

(27) at hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi, o ang sinumang gumagawa ng karumaldumal o ng kasinungalingan, kundi sila lamang na nakasulat sa aklat ng buhayng Kordero.